Anak

Anak I

 

Sinasamba kita, paulit ulit at walang patid

Habang iniaanak ng bawat ina ang mga suwail

Mga sanggol na pipitas sa kanyang pasensya

Ika’y pinatawad ko na.

 

Pinagpipitaganan ko ang bawat sambit, palatak

Ang matining mong tinig na sisidlan

Ng kalahating ako at kawalan.

Iniibig kita ng walang habag.

 

Ipinagdarasal ko ang mapagpalaya mong yakap

Ang mga kamay mong nagniningas sa kagubatan

Ang sintas ng sapatos mong walang malay.

Ang iyong bawat hakbang palayo sa aking sinapupunan.

 

O Dios, turuan mo akong huwag matakot sa kawalan

Huwag iasa sa iyo ang aking kaligayahan

Huwag angkinin ang iyong kagandahan

At matutong huwag kang ikukulong sa altar.

 

 

—-

Anak II

Ni hindi mo na natikman ang mga yakap ko,
ikaw, na nawaglit na sa simula pa man,
Minamahal, anong mga hele ang makapagpapatulog sa iyo?
Hinahanap ka ng mata ko’y tila alon ang mga sandali.
Dahang dahang binubura ang mga larawang nais kong ipakita sa iyo.
Mga syudad, tulay na walang tubig, mga dragon at kastilyo,
at yaong mga daang hindi mo alam kung saan patungo.
Gumuguho na ang lupang pangako, na minsan mong pinatingkad sa iyong pagbisita.

Lahat ng ito, ikaw.
Ikaw na nawaglit sa simula pa man.
Minamahal, ang aking lahat lahat.
Ipinagtatagis ng aking mga bagang ang bawat hardin, mga bukas na bintana.
Kapara ng lungkot na ito’y di mo nakikita.
Marahil ay sisilip ka at kakaway sa aking pagdaan.
Marahil, nilalakad mo ngayon ang kalsadang ito,
sa kaparehong mundo na mga anghel lamang ang pwedeng dumaan.
Sa mga balintataw lamang kita nakikitang dumaraan.
Subalit kahit anong dahan dahan, wala ka sa aking paglingon.
Walang nakakaalam, pero marahil, sana, ay pareho tayong inawitan
ng iisang pipit kahapong dapithapon, kahit magkahiwalay.

 

(Trans. Rainier Maria Rilke)

July 2, 2005

Edited: July 16, 2009

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *